NABARIL ANG SARILI? Tanod na nag-flex ng baril sa inuman, patay matapos maputukan ang sarili
Patay ang isang 59-anyos na barangay tanod matapos umanong aksidenteng pumutok ang hawak nitong .45-caliber pistol habang nakikipag-inuman sa kaniyang pamangkin sa Barangay Libertad, Dimataling, Zamboanga del Sur.
Nangyari ang insidente dakong 8:20 ng gabi sa Purok 4 ng nasabing barangay at naiulat sa Dinas Municipal Police Station bandang 10:35 ng gabi.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, umiinom umano ang biktima kasama ang kaniyang pamangkin nang mangyari ang insidente.
Ayon sa mga saksi, nagpaputok umano muna ng baril sa ere ang biktima bago inilagay ang .45-caliber pistol sa harapang bahagi ng kaniyang baywang, malapit sa singit.
Sa hindi pa malinaw na dahilan, biglang pumutok umano ang baril habang hinahawakan, inaayos o inililipat ng posisyon ng biktima ang armas.


No comments: